Masakit
"Hindi ko pinilit ang sarili ko na mahulog sa bitag niya" ang sambit ni Eloisa nang makita niya ang mga larawan ni Don na itinatago ni Ellen. Pinipigilan niya ang kanyang sariling lumuha ngunit ang dibdib niya ay waring sasabog. Hindi niya inaasahan ang matutuklasan kaya halos mapugto ang kanyang hininga. Ayaw man niyang aminin sa kanyang sarili ngunit ang katotohanan ay nagaalimpuyo ang pagsusumigaw sa kanyang isipan.
Noong isang araw lamang ay nagkita sila ni Don sa may simbahan at hindi sinasadyang magtama ang kanilang mga mata. Matamis pa rin ang mga ngiti ng huli kaya nagsiklab na naman ng pag-ibig niyang ilang panahon na rin niyang itinatago sa kanyang puso. Eto na naman at kumakabog na naman ang kanyang dibdib. Noon pa man ay nagdadalawang isip na siya sa mga kilos ni Don. Noon pa man ay nais na niyang alamin ang totoong namamagitan sa kanila na kung akalain ng iba ay masidhing pagmamahalan.
Naalala niya noon na sinabi ni Don sa kanya na wala pa itong balak makipagrelasyon sapagkat may iba pa itong mga pangunahing alalahanin. Inamin niya sa sarili na maskit ngunit itinatatak din niya sa kanyang puso na siya’y maghihintay. Maghihintay… na waring wala namang kahahantungan sapagkat sa wari niya ay may iba na itong iniibig… si Ellen…
Ngumiti si Eloisa sa sarili, ano nga ba naman ang laban ng isang katulad niya sa babaeng iyon na kapuri-puri ang kagandahan, matalino at puno ng talento. Bakit nga ba niya ipagpipilitan ang kanyang sarili sa isang lalaki na hindi man lang siya kayang pag-ukulan ng pansin. Masakit ngunit kaya pa rin niyang tiisin.